Thursday, May 17, 2012

Fivesome - Chapter One

Chapter One – “Bakit walang wifi?

Sabado. Alas tres ng hapon. Summer na summer ang klima.

Malaking backpack na may laptop, isang maleta na puno ng mga damit, at isang  maliit na papel kung saan nakasulat ang address ng bagong tirahan, ito ang mga dala-dala ni Karl habang binabagtas ang mainit na kalye ng Morayta. Bago lang siya sa lugar kaya nagtatanong-tanong pa siya sa mga tindahan, parlor at kainan na madaanan niya. Sa sobrang init ng panahon, napilitan na siyang sumakay ng tricycle.

Hindi siya binaba ng tricycle driver sa tapat ng bahay na nakalagay sa papel pero tinuro ng driver na sa pangatlong bahay sa kanan ang dapat niyang puntahan. Ayaw daw ng driver na dumaan sa bahay na ‘yon, um-oo nalang si Karl pero sinulat niya sa papel na hawak niya ang plate number ng tricycle. Ngayon, alam na niya kung anong tricycle ang choosy; hindi na siya sasakay ‘don.

Tahimik ang buong kalye kumpara sa na-imagine niya. Matinong nakaistambay ang mga tao sa labas ng mga bahay. May mga nagtitinda ng halo-halo sa kalye. Walang nagsisigawan at nagsasaksakan tulad ng nasa pelikulang napanood niya tungkol sa Maynila.

Nang marating niya ang bahay, kumatok siya. Ang tagal bago ito buksan. Kumatok siya ulit.

Natanaw na niya ang isang lalaking nakatitig sa kanya mula sa may pintuan ng bahay. Matagal itong nakatitig sa kanya bago ito lumapit.

Lalaki:    Anong kailangan nila?

Karl:       Dito po ba nakatira si Joshua? Ako po si Karl, may bakante daw po sa kwarto niya.

Napangiti ang lalaki. Pinatuloy niya si Karl sa loob ng bahay at pinaupo sa sala.

Lalaki:    Pasensya na, oo nga pala, nabanggit na ni Joshua. Ako landlord niyo dito sa bahay. Kayo na magusap ni Joshua tungkol sa renta. Bale, bahay niyo na ‘to. Pwedeng magbisyo basta sa loob ng kwarto niyo. Bawal magdala ng bisita na hindi ko alam. Wala pa si Joshua, lumabas lang. Antayin mo nalang siya dito.

Biglang nawala sa ang landlord.

Nang magisa nalang siya, tinext na ni Karl ang kanyang nanay. Ipinaalam niya na nasa bahay na siya at inaantay na lang niya si Josh. Tinwagan naman niya si Joshua pero hindi ito sumasagot. In-on niya ang wifi sa phone niya, sinubukang isearch kung may wifi sa bahay nila, hindi niya kasi natanong sa landlord.

Karl:       Badtrip. Walang wifi.
                                                                         
Komportable naman si Karl sa bahay kahit walang wifi. Maluwag ang sala at mukhang regular na naglilinis ang mga tao. May isang malaking abstract painting sa sala at sa baba nito at may maliit na estante kung saan nakapatong ang landline. May mga magazine sa ilalim ng center table. Kinuha niya ang isa at nagsimulang magbasa. Unti-unti siyang nakatulog.

Naalipungatan si Karl sa tunog ng hose sa nagdidilig sa labas. Konti nalang, puputok na ang pantog niya. Walang tao sa sala kaya wala siyang choice kundi magikot-ikot sa bahay para makita ang CR. Sinubukan niyang lumabas para hanapin ang landlord pero hindi niya ito makita.Pumasok ulit siya sa bahay. Nainis siya kasi wala siyang nakitang CR sa Ground Floor kaya umakyat siya.

Tumatagaktak na ang pawis niya. Naka-lock ang mga pintuan ng lahat ng kwartong mapuntahan niya. Nagbakasakali siya na isa dito yung common CR sa bahay. Hindi niya alam kung pinaglalaruan lang siya ng engkanto pero nakarinig siya bigla ng mga tumutulong gripo, flush ng inodoro, at nakabukas na shower. Maiyak-iyak na siya sa sakit ng puson niya. Hindi naman siya babae pero parang dadatnan na siya. Nang akala niya wala ng pag-asa, binuksan niya ang huling pintuan. Amen! Nakabukas! Ikinagulat naman niya na nakasalubong niya ang isang babaeng nakatapis lang.

Babae:  Ah! Rape!

Napasigaw silang dalawa.

Hindi niya napigilang maihi sa pantalon niya.

Nagkatitigan pa rin ang babae at si Karl habang hindi mahupa ang sigaw ng dalawa. Pulang-pula ang babae sa galit at hiya habang pulang-pula si Karl sa hiya dahil naihi siya sa salawal. Kulang nalang pumatak ang luha ni Karl nang duating si Josh at hatakin si Karl.

Sumisigaw pa rin sina Karl nang mapalingon sila kay Joshua. Hindi alam ni Joshua ang gagawin para mapatigil sila sa kakasigaw kaya ipinasok niya ang dalang tinapay sa bunganga ni Karl. Nang nakatakbo na papasok ang babae sa kwarto niya at naisara na ang pinto, nahimatay na si Karl sa sobrang hiya.


Itutuloy...

No comments:

Post a Comment